Malapit nang magsimula
ang putukan,
hanggang kailan
ka pa maaawa?
at ipagdadasal na mabuo muli
ang mga simbahan ng Bohol.
Walang gusali ang makukumpuni
ng iyong mga Ave Maria,
wala ring kalsada o tulay
ang madadaanan muli dahil sa
iyong mga Ama Namin
sa isla na binubuhay ng mga
bisita gustong i-kunsumo
ang kalikasan.
Malapit nang magsimula
ang putukan,
hanggang kailan
ka pa maaawa?
at itatabi ang sobrang pera, panahon, de lata,
bigas at lumang damit para
sa Samar, Leyte, Panay.
Hindi na nga sila mga ‘biktima’
pero mga guho pa rin ang
kanilang mga bahay
at sa tabi ng kalsada
ay naaagnas ang mga patay,
hindi ka pa ba nabibingi sa
mga salitang ‘bayanihan’ ‘matibay’
at ‘bangon’ mula sa mga taong
hindi na apektohan?
Wala nang umiiyak
sa mga dinaanan,
lahat subsob sa paghahanap ng
makakain, sa katahimikan
namamayani ang ‘shhh…
tumulong ka na lang’
Malapit nang magsimula
ang putukan,
hanggang kailan
ka pa maaawa?
sa mga nadamay sa
panibagong karahasan
sa Mindanao, magagalit muli sa mga rebeldeng
Moro na walang kapaguran,
walang kadala-dala.
Hindi mo ba narinig ang balita
na ang kapayapan ay umiiral lang
kung meron pagkapantay-pantay?
Malapit nang magsimula
ang putukan,
tinutugis ang mga bawal na
paputok na may pangalan
tulad ng “Atomic Bomb”,
sumisikip na ang hospital,
nagiging mabenta na rin
ang mga bilog na prutas,
nililista ang mga pangako
at resolusyon sa sarili
para sa susunod na taon,
nagsisimula na ang sermon
at payo ng mga manghuhula
at Feng Shui experts.
Malapit nang magsimula
ang putukan,
hindi ka ba nagtataka na
pagkatapos pagdasalan
ang mga krisis
tila ang gumiginhawa lamang
ay iyong sarili?
Mas madali yatang hintayin
na lang ang ingay ng bagong
taon para maniwala sa mito
ng bagong simula, sa gitna
ng mga usok at awit ng selebrasyon,
ang multo ng kasaysayan
ay sumusunod, hindi nalalayo.
Saan ka papanig sakaling
magsimula na ang putukan?