Sa oras na to, ang pikanatatanging katangian ko na siguro bilang tao ay ang pagkakaroon ng dalawang first year bilang isang college student. Wala namang malaking ipagka-iba ang una kesa sa huli kong first year. At lalong ayokong ikumpara ang dalawa. Kung iisipin, kung saan man ako ngayon ay isang produkto ng mahabang proseso ng pagtuklas, o paglikha. Ang una at ikalawang first year ay hindi magkaiba, kundi magkarugtong na mga karanasan. Ang inisyal mong mararamdaman kung ikaw ang magbabaliktanaw ay tuwa o minsam pagkamangha. Ang dami na palang nangyari, nagbago, at nawala. Pagkatapos nun, kung na klaro na ang pinanggalingan, ang susunod mong mararamdaman ay takot kung ano ang susunod na mamangyayari. Pero sa kaso ko, mas nangingibabaw ang pananabik kesa sa takot. Isa sa mga pinakanatutunan ko sa dalawang first year ko sa college ay yung silbi ng pagbabaliktanaw. Kung paano ito nagbibigay linaw at kung paano itong ideyal na ‘starting point’ sa kahit anong disisyon, o distinasyon.
Third year high school nang una kong sinubukang sumulat ng isang tula. Isang tula na personal na trip. Ilang beses na kasi ako sumulat ng tula dahil required sa klase. Ang tulang iyon ay sa Ingles pa, isang Shakespearean sonnet. Nakataon kasi na mga sonnets ni Shakespeare ang pinag-aaralan namin sa mga panahon na yon. Sinulat ko yon para ibigay sa isa sa mga matatalik kong kaibigan sa panahon na yon. Ewan. Mas nauna akong sumulat sa prose kesa sa mga tula. Mas makabuluhan para sa akin ang pagsulat ng mga tula dahil mas grabe ang disiplinang kailangan. Parang nag level up ako. Ang tagal na pala nun. Basta alam ko mula noon, tuloy-tuloy na papunta kung saan man ako ngayon.
Tulad sa marami kong ka-henerasyon, minsan din akong na adik sa computer games. Buong maghapon, uuwi lang pag kakain ng hapunan. Unti-unti yon nagbago nang mahilig ako sa libro. Noon, nagbabasa lang akon kung kailangan sa klase. Nagbago lang noong nadiskubre ko kung gano nakakalibang ang magbasa ng mga ‘bestseller’ o ‘pop fiction’ na mga novels; Dan Brown, Micheal Crichton, Clive Cussler, Stephen King, John Grisham. Pati ang barkada ko ay nahihilig na rin sa mga libro. Nagiging normal na usapan na ang mga libro o ang bersyon nito sa pelikula pag-recess. Second year nang naisip ko, paano kaya kung gumawa ako ng sariling nobela, sariling kwento?
Adventure novel ang birada ko, sa Ingles. Mga kinseng paniha lang, di ko na alam ang nangyari. Tapos sinubukan ko ang short story. Nakatapos ako ng ilan, pero walang signipikanto. Tapos na diskubre ko si Bob Ong at ang kanyang Filipino. Hindi yung tipo na nababasa ko sa mga libro sa panitikan sa klase. Yung tipong hindi nya layunin ang makilala bilang primyadong manunulat. Yung estilo ni Bob Ong ay yung tipong ‘bahala kayo sa buhay nyo, mga literary critics, basta ako gusto ko magkukwento ako’. Tapos ang usapan. Mula noon ay tumatak na sa akin ganitong konsepto pag nagsusulat. Bahala kayo sa buhay nyo, basta ako may sasabihin akong kwento. Wala namang pinipilit. Sumusulat ako, kasi gusto ko eh. At syempre, na diskubre ko rin kung gaano ka mas madali at mas mahirap mag sulat sa Filipino. Mahirap kasi hindi sanay sa grammar, spelling, atbp. Pero madali kasi maskaka-express ka ng mga ideya at damdamin mo.
Nakalikha ako ng ilang kwento, kwentong hayskul nga tawag ko. Ano ba mga pinag iisip ng mga estudyanteng hayskul? Pag ibig. Melodramatikong pag ibig na kuwa nila sa mga pelikula at tele nobela. Tulad din ni Bob Ong, satire ang trip ko. Lahat naman kami sa barkada mahilig talaga sa mga biro. So parang sinulat ko lang mga reserve na jokes ko. Pinabasa ko ang mga kwento ko sa ilang kaklase ko, at nagtagumpay ako. Nakapag kwento ako, nalibang pa sila.
Pinabasa ko rin ang mga kwento ko sa Prof ko sa Filipino na isa ring manunulat. Wala palang pakialam sa critics ha. Di na man, gusto ko lang malaman kung tama o may saysay man lang ba ang mga sinulat ko. Kasi pag okay, pwede ma publish, mas marami akong maiikwentohan. Una nyang sinabi sa akin na ang mga likha ko ay postmodernist. Hindi ko pa maintindihan nang husto ano ibig sabihin nya nun. Basta daw kasi merong traditional, tapos may nag react, naging modern na, tapos may nag react ulit, postmodern na. Mula noon ay naging malapit na kami nang Prof kong yon. Hangang ngayon ay pinagtyatyagaan pa rin nyang basahin ang mga likha ko.
Tuloy-tuloy din ang pagbasa ko nang mga panahon na yon. Nagsimula din ako magbasa nang ‘serious literature’. Paborito ko noon ang Tale of Two Cities ni Charles Dickens. Pero ang libro na talagang nagbago sa akin ay ang Sophie’s World ni Jostein Gaarder. Nobela ito tungkol sa kasaysayan ng pilisopiya. Syempre, hindi ko ito na intidhinan agad. Sa ikalawang basahan ko pa ito talagang na absorb. Pero sa una pa lang, malakas na ang tama nang sinabi ni Socrates bago sya mamatay, “An unexamined life is not worth living. Know thyself.” Umpisa noon, sinimulan ko nang suriin ang sarili ko. Tinatanong kung ano ba talaga ang gusto ko sa buhay. Ang una kong sagot ay gusto kong mag aral ng history. Mahilig ako magkwento dahil mahilig din ako makinig sa mga kwento. Hindi lang sa history kundi pati na rin sa ibang social science tulad ng economics at psychology. Sinimulan ko na ring seryosohin ang pag aaral. Hindi naman yung tipong honor student, pero mas mabuti kesa sa asta ko noon. Nagplano na rin ako para sa college ko. Hindi ko akalaing ganun kabilis matatapos ang hayskul.
Photo credit: http://1.bp.blogspot.com/_wcSZ3bwIdpY/S-v9zaA6HcI/AAAAAAAAAao/qgZcwQ5hPSs/s1600/imgsophies+world3.jpg
Hindi ako nakapasa sa UP, kaya kumuha ako ng Political Science sa West Visayas State University. Dito din nag-aral ang ate ko sa parehong kurso. Nahilig ako sa pulitika, hindi lang dahil ito ang laman ng balita gabi-gabi kundi dahil sa mga libro ni John Grishman. Second year high school ko unang nakahawak ng ‘legal thriller’, The Chamber. Natural hindi ko na intindihan agad. Kaya maya-maya ang tanong ko sa ate ko kung ano ibig sabihin ng ‘plaintiff’, ‘pro bono’, ‘jury’, atbp. Mula noon, inukay ko na ang mga Pol Sci na mga libro ng ate ako. Natural konti lang naintindihan ko, pero dun na nagsimulang ang hilig ko sa Pol Sci. Ayos din sa pamilya ko, gusto kasi nilang akong maging abogado balang araw.
Nang nag aaral sa West, talagang ‘voracious reader’ na ako. Hindi ako mapakali kong hindi makapag basa ng kahit ano, newspaper man o fiction. Medyo marami na rin ang nasulat ko. Ang ilan nga na publish pa sa paper nung hayskul. Nagsusulat na rin ako ng poems sa Filipino. At hindi puro na lang pag ibig ang mga tinatalakay ko sa mga pagsusulat. Sa West naging myembro na ako ng college paper, sa unang pagkakataon sa buong buhay ko. Masaya kasi, puro kayo mga writer, at natural, lahat kayo mahilig sa libro.
Photo credit:http://www.facebook.com/photo.php?fbid=1255244675709&set=t.100000340245867
Ang karanasan ko sa West ay puno ng mga pagmumulat. Medyo mahirap kasi ako lang mag isa sa amin mag babarkada ang sa school na to. From scratch ba. Natutunan kong makihalubilo sa mga taong iba-iba ang mga ugali at pananaw. Sa mga kwentohan ko sa bawat isa sa kanila ay puno ng mga aral. Habang natutunan ko kung sino sila, natutuklasan ko rin kung sino ako. Normal lang ang hindi pagkakasundo ng mga classmates ko, kanya-kanyang paninindigan. Pero ang importante ay patuloy silang nag uusap kung pano mareresolba ang mga partikular na suliranin na kinakaharap ng klase namin noon. At eventually, nagiging ayos din ang lahat, para sa lahat. Dito ko unang nakita ang kagandahan sa pagkakaiba.
Ang klimang pulitikal sa bansa noong unang first year ko (2009) ay hindi basta-basta. Dito naglabasan ang mga issue ng charter change, problema sa National Artist Award, ang pagreponde sa mga bagyong Ondoy at Peping at syempre ang Maguindanao Massacre. Sabi ng karamihan, ito na ang pinaka-climax ng administasyong Arroyo. At dahil ang bawat katapusan ay simula, dito napapasok ang usaping eleksyon sa 2010. Bilang mga estudyante ng Political Science nasa sentro kami ng mga issue at aktibismo. Ganito kami bininyagan. Kung nakikisangot kami sa mga isyung nasyonal, lalo na sa mga isyu sa loob ng pamantasaan mismo.
Photo credit: http://3.bp.blogspot.com/_5wRxEhBJMaU/TFLSN9YTpMI/AAAAAAAAAAw/sfMHNMcXKKk/s1600/_MG_2636.jpg
Photo credit: http://media.portland.indymedia.org/images/2006/12/350538.jpg
Pinalitan ng admin namin ang aming Student Regent sa BOR. Ang SR ay upperclass ko sa Pol Sci at kaibigan ko rin. Nanguna kami sa isang mobilisyasyon sa loob mismo ng campus. Nag ingay kami sa harap ng admin at nagkaroon ng isang diyalogo. Maraming estudyante ang hindi pumasok para sumama sa kilusang yon. Marami din ang konti lang ang nalalaman kung ano talaga ang isyu. Doon ko lalong naintidihan kung ano ang ibig sabihin ng isang Pol Sci student sa West. Sabi ng Prof ko, dito sa university ang mga Pol Sci ang mga pinika-misunderstood sa lahat. Ang Pol Sci kasi maingay, maraming reklamo. Sabi ng Prof ko, maingay at mareklamo ang Pol Sci dahil silang ang lubos na nakakaintindi. Pag may nakitang mali, agad itong isisiwalat at hahanapan ng solusyon. Ang sitwasyon sa loob ng pamantasan ay representasyon ng buong lipunan. Kung sino ang lubos na nakakaunawa, sila ang maingay, at sila ang pinaka-misunderstood.
Pero sa lahat ng itinuro ng West sa akin ang pinakapasasalamatan ko ay ang Sociology. Parte ito ng aming curriculum, at kung binuksan ng pulitika ang aking mga mata, sociology ang nagbigay nag liwanag sa paligid. Sa pinaka-payak na depinisyon, ang Sociology ay ang sistematikong at sayantipikong pag-aaral ng lipunan; ang kanyang pagunlad, straktura, at pag-function. Kung ang psychology ay pinagaaralan ang ugali ng indibiduwal, ang sociology ay ugali ng indibiduwal sa mga grupo. Ito ang hindi ko pa nakasalubong na social science. Buong lipunan na ang pinag-uusap, hindi lang pamahalaan at pulitika o ekonomiya. Sa Sociology pinag-aaral ang kultura, ang interaction sapagitan sa mga lalaki at mga babae, ang mga institusyon sosyal tulad ng pamahalaan at simbahan, at marami pang iba. Matagal nang magulo ang pulitika sa bansa. Ilang beses na rin sinubukang palitan ang sistema, bakit wala pa rin? Sabi ko sa sarili ko, kung di ko maintindihan ang sistema, bakit di ko pag aralan ang mga bumubuo nito, mga tao. Para sa marami, mahirap ang buhay. Maraming problema at pagsubok na kinakaharap sa pang araw-araw na antas. Kung mahina lang ang loob mo, madali kang susuko sa buhay. Dapat tignan at pag-aralan ang lipunan sa pangkabuohan. Sociology ang tuturo sa atin, bakit may pamahalaan at pulitika, may simbahan at reheliyon, bakit kailangan natin mag-aral, bakit kailangan natin ng trabaho, bakit may kultura, atbp. Pagnaunawaan natin ang paggana ng lipunan, hindi na magiging negatibo ang tingin natin dito. Malalaman natin na may dahilan para sa bawat bagay o pangyayari sa ating paligid. Kailangan pag aralan ang sociology at kung paano ito makakaapekto sa mga buhay sa mga indibiduwal, binansagan ni C. Wright Mills ito bilang ‘sociological imagination’. Kung maintidihan natin ang lipunan, malalaman natin kung ano ang mga deperensya nito, at malalaman natin kung paano ito lulutasin.
Sabi ko, ito na ang matagal na hinahanap ko. Sersoyohin ko na. Nang sinabi ko sa mga magulang ko na gusto kung mag-transfer pabalik sa UP, tinanong ako kung Political Science pa rin ang kukunin ko. Sabi ko Sociology. Sa inaasahan, sabi nila, “Ano yan?” Pero di na ako mapigilan. Ayoko ko maging abogado dahil, para sa akin, monotonous ang trabaho. Marami ang pera at mataas ang pagtingin ng mga tao, pero di ko naman habol ang mga yon. Sabi ni Papa ay bagay ako maging abogado dahil matalino naman daw ako. Isip ko hindi naman sapat ang talino lang sa abogasya. Kung iisipin, hindi naman lahat ng mga abogado matatalino eh, pero lahat sila masisipag. Wala ako nun. Kalian man hinding-hindi ako masisipagang magmemorya ng mga batas. Boring, monotonous. Hindi ginagamit ang pagkamalikhain mo, o konti lang. Hindi bagay sa akin yun kasi sinasamba ko ang pagkamalikhain.
Syempre kung iisipin, napamahal na rin ako sa West at sa mga classmates ko. Sabi nga nang iba, ginamit ko lang ang West para mabalik sa UP. Hindi ko naman sila masisisi kung ganon ang iniisip nila. Pero sa huli, nangibabaw parin ang pagkakaibigan at pagbabasakali nila na manatili ako sa West. Pero sabi ko sa kanila, kailangan ko tong gawin. Mas may ibibigay ako sa lipunan kong tatahakin ko ang ganito karera. Sabay pa rin naming iaahon ang Pilipinas. Naks, nakaka-high talaga ang idiyalismong kabataan.
Photo credit:http://www.facebook.com/photo.php?fbid=1255244675709&set=t.100000340245867
Photo credit:http://www.facebook.com/photo.php?fbid=118010764889107&set=t.100000340245867
Hangang ngayon humahanap pa rin ako nang panahon para makabisita sa West. Nung una, mag process ng papeles, sa huli pag tambay lang tagala. Sabi nga ng classmates ko, pag ma stress ako sa Miag-ao, punta lang ako sa West. Mga munting bagay para lalo kong mahalin ang West at ang mga tao na nakasama dito. Mula sa puso ng Syodad ng Iloilo, napadpad ako ng mga apatnapung kilometro pa timog sa Munisipalidad ng Miag-ao. Kung kailan nasanay na ako makipagsabayan sa mga pasikot-sikot ng syodad, saka naman ako tumira sa mga bundok. Naulit lang ang proseso sa West. Wala pa rin akong kabarkada, pero di na ako ganong nahirapan. Magkakaibang mga ugali at pananaw. Talagang bumalik ako sa pagka-first year dahil iilan lang sa mga subjects ko ang na credit. Nakakatuwa pa kasi dalawa lang kami ang first year sa Sociology. Isang freshman talaga, at ako, isang transferee. Maraming nagtatanong kung bakit Sociology ang kinuha ko (Pagkatapos nila tanungin kung ano ang Sociology). Inuulit ko lang ang kwento ko. Tinanong ko ang course-mate ko kung bakit Sociology ang pinili nyang course. Sabi nya, hindi kasi quota course. Pero ngayon, napapamahal na rin sya sa course. Masaya ako sa Sociology, pero delayed na ako sa college. Sakripiso? Marahil.
Sa byaheng kong to, patuloy ang pagsulat ko. Kung ikukumpara ko ang mga likha ko ngayon kesa nung hayskul, grabe na ang pagbabago. Hindi ko alam kung gumanda o pumangit, hindi naman importante. Ang mahalaga, patuloy ang pag ‘evolve’ bilang manunulat, bilang tao. Kadalasan napapangiti na lang ako mag isa kung maisip kung gano ka dami ang pinagdaan ko. Lalo na kung gano ka bilis.
Ngayon ay iilang araw nalang ang pananatili ko dito sa Balay Kanlaon, isang freshmen dorm. Ngayon ko lang naisipan na subukang ilatag talaga ang mga pinagdaanan ko. Patapos na naman ang isa pang school year. Parang kalian lang nang tila di ko mabitawan ang hayskul. Siguro isa sa mga pinakamahalang leksyon sa aking kabataan ang pag bitaw sa mga bagay, sa mga panahon. Kailangan dumaan sa maraming eksena, minsan madali pero madalas mahirap, para tuluyang makilala ang sarili. Ngayon tuloy pa rin ang pag tanong ko sa sarili, minsan iba na ang nagiging sagot ko. Ewan, madalas kong naalala si Stepen Dedalus sa libro ni James Joyce na A Portrait of the Artist as a Young Man. Ito ang kwento nya mula bata sya hangang sa pagkabinatilyo. Natapos ang libro sa kanyang pagtahak sa ibang daan taliwas sa inaasahan ng mga tao sa paligid nya. Ulit, ang wakas ay simula. Sa tingin ko, ito ang pinaka-angkop ng depenisyon ng isang artist. Isang tao na hindi takot na hamunin ang mga nakasanayan. Isang tao na kilala ang sarili. Sabi nga ni Henrik Ibsen, “To be a poet is to see.” Gusto ko itong dagdagan. Hindi lang nakakakita, kundi may gingawa din. To see and to act.
Maiihambing ko ang sarili kay Stepen dahil pareho kami ng mga layunin, pareho din naming natuklasan ang buhay. “Welcome, O life! I go to encounter for the millionth time the reality of experience and to forge in the smithy of soul the uncreated consciousness of my race.”
Photo Credit: http://i190.photobucket.com/albums/z74/IanTheCool/book-a_portrait_of_the_artist_as_a_.jpg
Habang binabasa ko ang first draft ng sanaysay na to, inisip ko; dyan na ang ‘sociologist’, saan ang ‘artist’? Wala, o kulang sa emphasis? Tapos napuna ko, para kahit kaninong artist, o manunulat, ang pinakamataas na sining ay ang sining ng buhay. Sa tingin ko, sa pagdanas ng dawalang first year sa college,maayos na kahit papano ang ‘outline’ ng obra maestra ko.
Tuloy ang byahe para sa ating lahat, kung saan patungo, tayo rin lang ang makapagsasabi.